Pulis-QC, nanuntok umano ng PWD sa Laoag!

Arestado ang isang pulis matapos umanong manuntok ng isang person with disability sa isang bar sa Laoag City, Ilocos Norte Martes ng madaling araw.

Ayon sa nagreklamong si Ferviemor Gaño, kinasahan din daw siya ng baril ni PO1 Rexy Manuel na nakadestino sa Quezon City Police District Station Drug Enforcement Agency Unit.

Pauwi na sana ang 24 taong gulang na binata kasama ang kanyang mga kamag-anak nang bigla na lang siyang suntukin ni Manuel.
Nagsimula ang gulo matapos tawagin ng pinsan ni Gaño ang isa pa nilang kasamahan na uuwi na sila sa Barangay Barong sa Dingras, Ilocos Norte matapos silang manood ng isang live band.

Lumapit bigla ang kasamahan ng pulis na akala raw niya ay siya ang tinatawag ng grupo ni Gaño. Bumalik ang lalaki sa loob ng bar at tinawag si Manuel.
Lumabas ang pulis at biglang sinuntok si Gaño sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo ng walang dahilan, ayon sa binata.
Si Manuel ay nakakulong ngayon sa Laoag City Police Station.

Tubong Barangay Anao sa bayan ng Piddig, Ilocos Norte ang pulis na samantalang naka-bakasyon lamang nang mangyari ang insidente.
Nang kunan ng news team ng pahayag si Manuel sa nangyari, pinigilan ito ng pamilya ng pulis na makalapit kay Manuel.
Ayon sa kanila, hindi raw si Manuel ang nanuntok at wala rin daw siyang alam sa pangyayari.
Nahaharap sa kasong physical injury ang pulis.

Patuloy din na iinimbestigahan ng pulisya kung totoong kinasahan ni Manuel ng baril ang biktima.
Comments
Post a Comment